Kapag bagong chismis ang inihain sa mga taingang uhaw sa mainit na balita, asahang kakalat ito na parang malubhang sakit. Totoo nga ang sinabi ni Aling Linda sa kaniya dahil ngayon, tanghaling tapat palang ay naka-limang customer na agad siya. Ayos din pala na mapag-usapan. Kahit papaano ay nagkatao na rin sa tindahan maliban sa kaniya at sa kaniyang amo.
Kumalansing ang wind chime na nakasabit sa pinto senyales na may bibili ulit. Akala niya ang magpapakita sa kaniya ay dalaga na naman kasi kanina mga kababaihan ang bumili sa kaniya, panay ngiti at pag-aayos ng sarili kaso, heto, isang batang gusgusin ang tumambad sa harapan niya. Pagkapasok palang, walang tigil sa paglakbay ang malikot nitong mata na bumagay sa kulot nitong buhok.
"Anong sa'yo?" Tinanong na niya ito para matigil na ang lihim nitong panghuhusga.
"Bakit paubos na ang tinda niyo?" Sinuklian din siya ng tanong nito na nag-iwan ng pagtataka sa kaniya.
Oo nga naman. Bakit patuloy pa ring bukas ang tindahan kahit kakaunti na lang ang natitirang paninda? Pwede namang dagdagan pa ito lalo na't kung ito na lang kabuhayan ng kaniyang amo.
"Naubusan lang kami ng stock. Baka bukas pa mamamalengke si Aling Linda." Ito na lang ang naisagot niya dahil bilin sa kaniya ng amo, 'Wag sasabihing ubos na. Sabihin na lang na out-of-stock.
"Ok," Nagkibit-balikat na lamang ito at parang superbisor kung maglakad, pinaghari-harian ang maluwag na daan.
Sandaling naglibot ito habang walang preno ang bibig sa pagkomento sa mga napapansin. Na 'Ang dumi ng mga lalagyanan', 'Hindi na nililinisan', 'amoy luma', 'wala nang mabili' at kung anu-ano pa na mapagkakamalan ng bubuyog sa kakadada ng mga napupuna. Humirit pa ito nang makabalik ito sa kaniya na lukot ang mukha, dismayado.
Siguro kamag-anak 'to ni Aling Cecile, sabi niya sa sarili.
"Ano ba 'yan. Akala ko pa naman may mabibili rito. Sabi pa naman ni Tiya Cecile may masarap na paninda rito."
Masarap? Wala namang bago o kung anong nakakatakam sa tindahan maliban na lang kung...
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Ikaw lang pala 'yon pero hindi ka naman gwapo." Umirap ito. "Hay! Sayang lang ang pinunta ko rito."
Sa totoo lang, inaamin ni Selyo na hindi siya pinagpala ng magandang mukha. Karamihan sa dila ng mga Pinoy sinasabi na pangit ka kapag sarat na ilong at marumi sa mata ang kayumangging balat. At isa rin na nagbigay ng palatandaan sa kaniya ay ang malaking peklat na naglalandas mula sa labi hanggang pisngi, natanggap niya noon habang nililigtas ang sarili sa mabangis na kamay ng kaaway. Ito ang patunay na nananalaytay sa kaniyang dugo ang purong Pilipino.
Pero siguro kaya chinismis 'yon ni Aling Cecile dahil sa matipuno niyang katawan na halos pumutok sa kaniya ang suot na t-shirt, resulta ito ng walang kapagurang pagte-training noong sundalo pa siya.
Ano na naman kaya ang sunod nitong sasabihin at pinagtaasan pa siya nito ng kilay. Talagang mahilig itong mangpurga ng panghuhusga.
"May piso ka ba d'yan---" Hindi na nito natapos ang sasabihin nang lumagutok ang ulo nito at napa-aray.
Natagpuan niya ang payat na kamay ni Jose habang pinukulan ng nagbabagang tingin ang kawawang bata.
"Mangongotong ka na naman!"
"E ano naman, pakielamero ka!" Sabi ng bata habang hawak-hawak sa napuruhang ulo.
"Umuwi ka na nga sa inyo! Dadayo ka pa rito!" Pambubugaw ni Jose at hindi na ito umapila.
Bago ito lumabas ay pinandilatan sila nito saka nilabas ang dila para asarin sila. Susugod na sana si Jose pero hinawakan niya ang braso nito.
"Pabayaan mo na. 'Wag mo nang patulan," Pigil niya rito.
BINABASA MO ANG
Sa Tindahan ni Aling Linda
FantasyTapos na ang gulo. Tahimik na ang mundo. Ngunit ang natirang maingay ay ang tindahang nasa gitna ng walang kasiguraduhan. Sabi-sabi raw sa tindahan ni Aling Linda, laging may nakakalimutan ang mga mamimili. May naiiwan at hindi na babalikan. Totoo...
