shinichirow
Si Ero ay isang binatang lumaki sa paniniwalang may bigat ang mga pangarap, na kaya nitong bigyan ng saysay ang buhay ng tao. Ilang taon niyang inalay ang sarili sa ideya ng pagkakaroon ng patutunguhan, na parang paghabol sa liwanag sa dulo ng lagusan. Ngunit matapos niyang magtapos sa pag-aaral at tuluyang humupa ang ingay ng mundo, unti-unting may nagbago. Tumahimik ang hangin, nanlamig ang araw, at tila may presensyang nakamasid mula sa hindi nakikitang dako.
Mula roon, nagsimulang mangyari ang mga bagay na hindi maipaliwanag. Hindi ito kuwento ng himala kundi ng mabagal na pagguho. Sa gitna ng mga araw na walang saysay, may tinig na nagsimulang magsalita. Sinasabi nitong mula ito sa Diyos, ngunit bawat salitang binibitiwan ay tila unti-unting nag-aalis ng kabuluhan sa lahat ng pinaniniwalaan ni Ero.
Habang patuloy siyang naglalakad sa kanilang maliit na bayan, nakakasalamuha niya ang mga taong tila may alam sa mga bagay-bagay na hindi dapat nila alam. May mga ngiting walang kaluluwa, at may mga nawawala kinabukasan na para bang hindi kailanman umiral. Dahan-dahang nabubura ang linya sa pagitan ng katotohanan at ng mga bagay na nilulunok ng kanyang isipan.
Sa bawat pagdaan ng araw, lalong lumalalim ang katahimikan sa paligid ni Ero. Sa bawat paghinga, mas nagiging malinaw na baka hindi lang siya ang nagugulo kundi pati ang mismong mundong ginagalawan niya. Sa huli, hindi na tiyak kung ang Diyos nga ba ang kausap nya, o kung siya mismo ang tinig na matagal nang nakakulong sa loob ng kanyang pag-iisip.